KALIBO, Aklan — Inaasahan na ng lokal na pamahalaan ng Malay ang pagdagsa ng mga lokal at dayuhang turista sa Isla ng Boracay sa darating na Araw ng mga Puso.
Ayon kay Felix delos Santos ng Malay Municipal Tourism Office, halos punuan ang mga hotels at resorts tuwing Valentines Day sa isla dahil itinuturing itong romantic place ng mga magkasintahan at magpamilya.
Dagdag pa ni delos Santos na maliban sa mga Korean tourists, inaasahan rin ang pagbabalik ng mga turistang Chinese ngayong Pebrero at Marso.
Maliban dito ang muling pagbabalik ng international cruise ship sa Boracay sa darating na Pebrero 14.
Inaasahan umanong nasa pito hanggang sampung cruise ship ang dadaong sa isla ngayong 2023.
Sa kabilang daku, labis na ikinatuwa ng naturang tanggapan ang pagtaas ng tourist arrivals nitong Enero na umabot sa 177,860. Sa naturang bilang, 130,715 ang local tourists habang 37,939 ang mga dayuhan.