Tumestigo ngayong araw si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa Sandiganbayan Fifth Division kaugnay ng pagdinig sa petisyon para sa piyansa ni Senador Jinggoy Estrada.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Bonoan na umano’y humiling si Estrada ng mga proyektong nagkakahalaga ng ₱1 bilyon para maisama sa 2025 national budget sa pamamagitan ni dating DPWH Undersecretary Robert Bernardo.
Ayon kay Bonoan, ipinasa sa kanya ni Bernardo ang listahan ng mga proyektong hinihiling umano ng senador. Sinabi rin niya na ang paunang rekomendasyon ni dating Usec. Catalina Cabral ay maglaan ng ₱500 milyon para sa mga naturang proyekto sa National Expenditure Program (NEP), ang panukalang pambansang badyet ng pamahalaan.
Matapos maisama sa rekomendasyon ang unang ₱500 milyon, humiling umano si Bernardo ng karagdagang ₱500 milyon dahil si Estrada ay Senate President Pro Tempore na noon.
Sa kanyang testimonya, iniugnay rin ni Bonoan sa umano’y gastusin sa halalan ang paghiling ng karagdagang pondo.
Dagdag pa ni Bonoan, nasa ilalim umano ng Senate Leadership Fund ang ₱1 bilyong halaga ng mga proyekto.
Gayunman, sa kabuuang ₱1 bilyon, ₱700 milyon lamang ang naaprubahang pondo sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA), o pambansang badyet para sa taong 2026.
Nang tanungin naman ng depensa ni Estrada kung gaano siya nakatitiyak na ang senador ang humiling ng ₱1 bilyong halaga ng mga proyekto, sinabi ni Bonoan na wala siyang dahilan upang magduda dahil kilala niya ang senador at alam niyang matalik na magkaibigan sina Estrada at Bernardo.
Ayon pa kay Bonoan, dating nagsilbing district engineer si Bernardo sa tanggapan ng DPWH sa Maynila noong panahon na alkalde ng lungsod si dating Pangulong Joseph Estrada, ama ni Senador Jinggoy Estrada.















