CAUAYAN CITY – Nasunog ang bodega ng Isabela Leaf Company Inc. kahapon Sa Canciller Ave. District 1, Cauayan City na pagmamay-ari ni Ginoong Ben Pua.
Pasado alas-singko ng hapon ng sumiklab ang sunog sa loob ng bodega kung nasaan ang mga pinapatuyong dahon ng tabako at umalis ang mga bumbero dakong 1:20 madaling araw nitong Linggo.
Tinatayang nasa apat o higit pang mga fire trucks ang nagtulong-tulong upang maapula ang sunog.
Agad namang pinalabas ang mga bystanders ng mga nagbabantay na miyembro ng Public Order and Safety Division (POSD) at iba pang mga empliyado dahil sa makapal na usok na nagmumula sa loob ng bodega sa pangambahang magdulot ng suffocation.
Inilabas din ang mga pandawis sa loob ng bodega gamit ang buldozer.
Sa ngayon ay palaisipan pa rin kay Ginoong Pua kung saan nanggaling ang apoy na pinagmulan ng sunog dahil wala namang electrical connection sa loob ng bodega na pinaglalagyan ng mga pandawis at dahon ng tabako.
Patuloy pa rin ang pagsisiyasat ng BFP at wala pang pinal na assessment sa mga napinsalang kagamitan sa loob ng bodega.
Sa pakikipag-uganayan ng Bombo Radyo Cauayan sa isa sa mga empliyado ng Isabela Leaf Company Inc. na si Ginang Fe Acoba, sinabi niya na kauuwi lamang niya nang marinig niya ang sirena ng bumbero at makita ang makapal na usok na mula sa loob ng bodega.
Aniya, bagamat may sariling fire truck ang kanilang kumpanya ay hindi ito nagamit ng sumiklab na ang apoy kaya minabuti na lamang nila na tumawag ng bumbero.