-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Sa Lunes pa tatanggap ng mga kliyente ang Bureau of Internal Revenue (BIR) Region 12 at Revenue District 77 sa Barangay Taculing, Bacolod City, matapos ang pansamantalang pagsasara nito kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Norma Bayoneta, Chief Administrative Officer ng BIR Region No. 12, ini-lockdown ang opisina simula kahapon matapos madiskubreng nagtransaksyon dito ang isang COVID (Coronavirus Disease) positive.

Unang ini-lockdown ang Revenue District 76 sa Victorias City dahil bumisita ang 45-anyos na job order casual ng provincial government ng Negros Occidental ngunit napag-alamang nagtransaksyon din ito sa Revenue District 77 sa Bacolod.

Si Western Visayas Patient no. 685 ay assigned sa EB Magalona Healing Center.

Ayon kay Provincial Administrator Atty. Rayfrando Diaz, isinailalim sa routinary test ang job order casual at nag-home quarantine.

Nitong Hulyo 15 lang nang lumabas ang lab test at siya ang positibo sa SARS-CoV 2.

Kaagad namang isinailalim sa quarantine ang mga empleyado ng BIR na nalapitan ng COVID positive at isinagawa ang disinfection sa opisina.