LAOAG CITY – Patay ang isang binata matapos pinagsaksaksak ng isa sa mga miembro ng nakaalitang grupo sa likod ng Kapitolyo Provincial ng Ilocos Norte partikular sa Barangay 13 dito sa Lungsod.
Nakilala ang biktima na si Mark Vincent Toledo, 18-anyos, at residente sa Brgy. 46, Nalbo habang ang suspek ay si Alexis Arone Sta. Maria, Grade 11 Student at residente sa Barangay 1 dito rin sa lungsod at may dalawa pang suspek na nakatakas.
Ayon kay PLt. Col. Joseph Baltazar, Hepe ng Philippine National Police dito sa lungsod, nangyari ang pananaksak ng madaling araw kung saan nakasakay sa motorsiklo ang biktima kasama ang kanyang mga barkada at bibili sana ng sigarilyo ngunit nakasara na ang tindahan.
Dito na aniya lumapit ang dalawang lalaking nasa malapit sa tindahan at nagsalita ng mga hindi maganda sa grupo ng biktima hanggang nangyari ang rambolan ng dalawang grupo.
Sinabi nito na matapos lamang ang ilang segundo ay tumakbo palayo ang dalawa sa mga kasama ng biktima habang ang biktima mismo ay sumisigaw na nagsasabing may tama ito hanggang sa natumba na sa kalsada at agad namang tumakas ang mga suspek.
Nabatid na may dumaang lalaki sa pinangyarihan ng insidente at nakita niya ang nakahandusay na biktima kaya’t agad nitong itinakbo sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa tinamong sugat sa ulo, likod at sa dibdib.
Inihayag ni Baltzar na hindi pa nila makumpirma kung ano ang ginamit ng suspek dahil hindi pa nila narerekobre ngunit base sa salaysay ng mga kasama ng biktima ay knuckle.
Samantala, matapos ang ilang oras ay sinabi ng kamag-anak ng suspek sa National Bureau of Investigation na alam nila kung nasaaan ito hanggang sa boluntaryo itong sumuko.
Sa ngayon, sinabi ni Baltazar na inihahanda na nila ang kasong murder na isasampa laban sa suspek.