-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nakatakdang sampahan ng kaso ang isang loader operator na nadakip sa isinagawa drug buybust operation sa Culling Centro, Cabatuan, Isabela.

Ang pagdakip sa suspect na si James Sarambao, 32 anyos , binata, residente ng Luna, Isabela ay isinagawa ng magkasanib na puwersa ng Cabatuan Police Station at PDEA Region 2

Ayon sa pulisya, matagal na nilang sinubaybayan ang suspect matapos bumalik sa kalakalan ng illegal na droga.

Inihayag sa Bombo Radyo Cauayan ng pinaghihinalaan na dati na siyang sumuko sa oplan tokhang subalit itinanggi na sa kanya ang nakuhang bricks ng pinatuyong dahon marijuana na tumitimbang ng kalahating kilo at nagkakahalaga P60,000.00.

Dinala ang suspect sa himpilan ng pulisya at ihahanda na ang kaukulang kaso laban sa kanya.

Hindi pa matiyak ng pulisya kung gaano kalawak ang tinutustusan nito ng dahon ng marijuana.

Binalaan ng pulisya ang mga dating nagtutulak at kasalukuyang nagtutulak na droga na itigil na ang kanilang masamang gawain.