Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na may ilang grupong umano’y nagtatangkang humingi ng suporta mula sa mga kasapi ng uniformed services para sa posibleng military-backed “People Power revolution,” ngunit malabong magtagumpay ang ganitong hakbang.
Ayon kay Lacson, nakatanggap siya ng impormasyon na may ilang retiradong opisyal na nagsisikap mangalap ng suporta mula sa loob ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Aniya, mayroon umanong siguradong nagtatangka pero nasa labas ng AFP. Kung meron man aniya sa loob ay mangilan-ngilan lamang itong na kumbinsing sumama sa naturang grupo.
Dagdag pa niya, batay sa kanyang mga contact sa Philippine National Police (PNP), wala umano siyang nakikitang senyales na lalaki o “snowball” ang naturang kilusan.
Naniniwala rin si Lacson na walang tsansa ang naturang pagkilos dahil nananatiling propesyonal ang AFP.
Giit niya bastat mananatiling professional ang ating AFP, at pinaniniwalaan niyang nanatiling professional ito, walang mabigat na rason para magkaroon ng military junta o panibagong People Power revolution
Si Lacson ay nagsilbi sa uniformed service mula 1971 hanggang 2001 sa parehong AFP at PNP, at naging PNP Chief mula 1999 hanggang 2001.
Noong nakaraang taon, tinutulan din ni Lacson ang ideya ng military-backed “reset” o junta sa gitna ng galit ng publiko sa mga usapin ng korapsyon.Aniya, dapat manaig ang pananagutan ngunit hindi sa kapinsalaan ng 1987 Constitution of the Philippines.
Binigyang-diin din niya na sa ilalim ng Konstitusyon, nagtatapos sa House Speaker ang linya ng presidential succession.
Ito aniya ang dahilan kung bakit inihain niya ang Designated Survivor Bill na magpapalawak sa succession line upang maisama ang pinaka-senior na miyembro ng Senado at Kamara.
















