-- Advertisements --
NDRRMC

Sumampa na sa kabuuang bilang na 38 ang mga nasawi sa dulot ng malawakang baha mula noong Enero 1, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon sa ahensya, 12 sa mga naiulat na namatay ay nasa Zamboanga, tig- walo sa Bicol at Northern Mindanao, pito sa Eastern Visayas, at tig-isa sa Mimaropa, Davao at Soccsksargen.

May humigit kumulang 1.9 milyong katao o katumbas ng 475,981 pamilya ang naapektuhan sa iba’t ibang lugar ng ating bansa.

Sa apektadong populasyon, 88,660 indibidwal o 21,607 pamilya ang nananatili sa 316 evacuation centers habang 27,976 katao o 8,439 pamilya ang nananatili sa ibang lugar.

May kabuuang 1,780 bahay ang naiulat na nasira na kung saan 1,232 ang partially at 548 ang totally damaged.

Kaugnay niyan, ang masamang panahon ay dulot ng mga low pressure area, shear line, at northeast monsoon.

Sa kasalukuyan, idineklara na ang state of calamity sa 84 na lungsod at munisipalidad na malubhang naapektuhan ng malawakang pagbaha.