Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Nobyembre 2021 sa harap ng medyo mas maluwag na quarantine restrictions noong mga panahon na iyon, base sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Base sa datos ng ahensya, ang bilang ng unemployed na mga Pilipino noong Nobyembre 2021 ay 3.15 million o katumbas ng 6.5 percent na unemployment rate.
Ito ay mas mababa kumpara sa 3.5 million unemployed o unemployment rate na 7.4 percent na naitala naman noong Oktubre 2021.
Magugunita na ang National Capital Region, na siyang economic center ng bansa, ay nasa ilalim ng Alert Level 2 mula Nobyembre 5 hanggang sa ibinalik ito sa Alert Level 3 nitong Enero 3 lamang kasunod na rin nang pagsirit ng COVID-19 cases.
Sa ilalim ng Alert Level 2, pinayagan ang mga establisiyemento na makapag-operate sa kanilang dine-in services pero sa 50 percent at karagdagang 10 percent pa kung mayroon silang safety seal.
Samantala, kapag outdoors naman, pinapayagan sila na makapag-operate ng 70 percent.
















