-- Advertisements --

Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Pebrero ng kasalukuyang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Base sa pinakabagong labor force survey, iniulat ni PSA USec. Claire Dennis Mapa na ang unemployment rate noong Pebrero ay bumaba sa 5.1% mula sa 6.8% noong Enero 2026.

Nangangahulugan ito na nasa 2.66 million Pilipino ang walang trabaho sa naturang buwan mula sa 2.96 milyong unemployed noong Enero 2026.

Sa pulong balitaan ngayong Miyerkules, Abril 8, ipinaliwanag ng PSA Chief na pagkatapos ng holiday noong Enero, maaaring nagkaroon ng pagbabawas sa seasonal jobs.

Kung ikukumpara naman ang unang dalawang buwan ngayong taon noong 2025, tumaas ang average unemployed individuals sa 2.8 million kumpara sa 2.05 million sa parehong panahon noong nakalipas na taon.

Bunsod nito, ayon kay USec. Mapa, nakikitang magkakaroon ng epekto sa economic activities sa bansa ang nangyayaring kaguluhan sa Middle East. Sa sunod na mga buwan, makikita aniya kung magpapatuloy ang trend ng unemployment.

Samantala, ang underemployment rate naman ay bumaba rin sa 11.8 % noong Pebrero mula sa 13.2% noong Enero. Ibig sabihin, nasa 5.84 million manggagawa ang underemployed o may trabaho pero naghahanap ng ekstrang trabaho.

Nilinaw naman ng PSA na nalikom ang naturang datos bago pa man sumiklab ang digmaan sa Gitnang Silangan, kayat hindi pa saklaw dito ang mga naapektuhan sa krisis dulot ng kaguluhan sa rehiyon.

Pagdating naman sa employment rate o may trabaho o negosyo noong Pebrero ay bahagyang tumaas sa 94.9% mula sa 94.2% noong Enero 2026.

Ibig sabihin, umaabot sa 49.43 million manggagawa ang may trabaho o negosyo noong Pebrero 2026.

Ayon kay USec. Mapa, may mga industriya na nakitaan ng tuluy-tuloy na job absorption year-on-year, gaya ng administrative and support services partikular na sa call center activities (voice) na may mataas na employment rate na nasa 350,000 at temporary employment agency activities gayundin sa accommodation and food service activites at financial insurance activities.