Pinag-aaralan na raw ng Department of Transportation (DOTr) ang posibilidad na magtayo ng bicycle lanes na magdudugton sa EDSA at ilang lugar sa labas ng Metro Manila.
Ayon kay Transportation Sec. Arthur Tugade, nagsimula na ang mga opisyal ng kanyang tanggapan na tingnan at alamin ang mga kakailanganing requirements, kasabay ng paglalabas sa plano nito.
Kabilang ang bisikleta sa mga pampublikong sasakyan na pinayagan ng DOTr na magbalik lansangan sa ilalim ng general community quarantine sa Metro Manila.
Pero walang angkop na daanan ang mga bikers kung dadaan sila sa major thoroughfare na EDSA at Commonwealth Avenue.
Sa ngayon pinapayuhan muna ng Metro Manila Development Authority ang mga nagbibisikleta ng gumamit ng mga alternatibong daan para hindi malayo sa panganib ng malalaking sasakyan sa kahabaan ng EDSA.