-- Advertisements --

Asahan ng mga motorista ang big-time oil price hike na ipapatupad sa susunod na linggo.

Base sa oil trading sa nakalipas na 4 na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero na maaaring magkaroon ng umento ang mga presyo sa kada litro ng mga produktong petrolyo.

Sa gasolina, inaasahang magkakaroon ng umento na P0.90 hanggang P1.20 kasa litro.

Sa diesel, P1.20 hanggang P1.40 kada litro ang inaasahang pagtaas habang sa Kerosene naman ay nasa P1.10 hanggang P1.30 kada litro ang inaasahang umento.

Ang pinal na paggalaw naman sa presyo ng mga produktong petrolyo ay ibabase sa magiging resulta ng oil trading ngayong araw ng Biyernes.

Inaasahan na iaanunsiyo ng mga kompaniya ng langis sa araw ng Lunes ang opisyal na price adjustment at ipapatupad sa araw ng Martes.

Ang inaasahang pagtaas ay bunsod ng epekto ng nangyayaring sigalot sa Middle East lalo na sa Israel-Hamas war na maaaring lumawig pa kasama ang Iran.

Gayundin ang pag-atake ng Ukraine sa oil refineries ng Russia at desisyon ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) na tapyasan ang oil production nito.