Target na masimulan ang panawagan para sa mga interesadong kumpanya na mag-bid para sa operations, maintenance, at upgrading ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Setyembre ngayong taon.
Sinabi ni Transportation Undersecretary for Aviation and Airports Roberto Lim na ang DOTr ay umaasa na makuha ang pag-apruba ng National Economic Development Authority (NEDA) Board.
Noong nakaraang linggo, nagsumite ang DOTr at Manila International Airport Authority (MIAA) ng joint proposal para sa NAIA Public Private Partnership (PPP) project para aprubahan ng NEDA Board, na pinamumunuan ni PBBM.
Sa panukala, sinabi ng DOTr at MIAA na ang isang private concessionaire, na magkakaroon ng 15 taon para patakbuhin ang NAIA, ay kailangang mamuhunan sa modernong air traffic control equipment, i-rehabilitate ang runways at taxiways, at pagbutihin ang mga existing terminal facilities.
Inulit ng opisyal ang kanyang naunang anunsyo na ang pagpili ng isang nanalong bidder ay maaaring ipahayag sa unang quarter ng 2024.
Sinabi niya na ang capital investment na kailangan para sa operasyon, maintenance, at upgrade ng NAIA ay aabot sa P141 billion para sa concession period na 15 taon.
Una nang sinabi ni Lim na sinusuri din ng DOTr ang unsolicited proposal na isinumite ng Philippine conglomerates kasama ang kanilang mga foreign partner.