Mariing kinondena nina Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co at Albay 2nd District Rep. Joey Salceda ang kanilang pagkadismaya sa pagpaslang sa mga miyembro ng PNP at nagpaabot ng kanilang pakikiramay sa pamilya ng mga pinaslang na tagapagpatupad ng batas.
Kasama si Co, Salceda, at TV host na si Willie “Kuya Will” Revillame, nagtungo sila sa lamay ni Chief Master Sergeant Joseph Ostonal na namatay habang ginagampanan ang kanyang trabaho.
“Nagpapaabot kami ng aming pakikiramay sa pamilya ni PCMS Joseph Ostonal. Ipinagkaloob niya ang pinakamataas na sakripisyo sa pagganap ng tungkulin, at kami ay kasama ng kanyang pamilya sa kanilang pagdadalamhati at kalungkutan. Nais naming tiyakin sa kanila na hindi sila nag-iisa, at nandito kami upang magbigay ng suporta at tulong,” sabi ni Co.
Dagdag pa ni Rep. Co, isinugal ni PCMS Ostonal ang kanyang buhay upang panatilihing payapa at maayos ang komunidad.
Sa kanilang pagdalaw, nagpahayag sina Co, Salceda, at Revillame ng kanilang pakikiramay at suporta sa pamilya ng namatayan.
Sina Ostronal at ang kapwa niyang pulis na si Corporal Jeffrey Refereza ay tinambangan at pinagbabaril noong nakaraang linggo sa bayan ng Oas habang nagsasagawa ng mobile patrol sa Barangay Ilaor Sur.
Agad naman naaresto ang dalawang suspek sa isinagawang checkpoint sa Barangay Basud, bayan ng Polangui.
Hinimok ni Co ang isang malawakang imbestigasyon sa pangyayari.
“Kailangan nating wakasan ang walang-katapusang karahasan laban sa ating mga tagapagpatupad ng batas. Magkaisa tayo sa pagkondena sa mga aksyong ito at palakasin ang mga hakbang sa seguridad upang masiguro ang kanilang kaligtasan. Nanawagan kami para sa isang malalim na imbestigasyon at mabilis na legal na proceedings,” aniya.