-- Advertisements --

Ikinalugod ni Senador at Chair ng Senate Committee on Health Christopher “Bong” Go ang ratipikasyon ng bicameral report na nagbibigay ng mandatory benefits sa health workers at non-health workers sa panahon ng national public health emergency.

Inadapt sa report ang magkakaibang probisyon ng Senate Bill 2421 at House Bill No. 10701 at inaasahang lalagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging ganap na batas, kasunod ng bicameral conference noong February 2.

Bilang author at co-sponsor ng SB No. 2421, pinasalamatan ni Go ang mga supporter ng bill at pinuri si Committee on Finance chair Sen. Sonny Angara sa pangunguna nito sa pamamagitan ng Senado.

“I thank Senator Angara at lahat na nag-file ng similar bills for prioritizing this measure. Sabi ko nga, hindi mababayaran ng kahit anuman ang buhay ng ating mga health workers, ngunit mahalaga ang batas na ito bilang pagkilala sa sakripisyo nila para sa ating bayan. Isa po itong pagpapakita ng pasasalamat ng gobyerno at ng buong bansa sa ating mga frontliners na itinuturing nating bayani sa laban kontra COVID-19,” dagdag pa niya.

Ang mga benepisyo sa ilalim ng reconciled version ay retroactively applied simula July 1, 2021 at mananatiling epektibo habang nasa ilalim ng public health emergency ang bansa. Applicable din ito sa susunod pang national public health emergencies, alinsunod sa deklarasyon ng Pangulo.

Sakop ng bill ang lahat ng public at private medical, allied medical at iba pang personnel, gaya ng security at janitorial staff members na naka-assign sa mga ospital, laboratoryo at medical o temporary treatment at monitoring facilities. Pinalawak din ito sa Barangay Health Workers at iba pang nakatalaga sa Barangay Health Emergency Response teams.

Bawat frontliner ay entitled sa monthly COVID-19 Risk Allowance na P3,000.00 para sa mga naka-assign sa “low risk” o non-public areas ng health facility; P6,000 para sa “medium risk” o public areas ng health facility; at P9,000 para sa mga “high risk” locations, gaya ng mga silid ng COVID-19 patients.

Magbibigay din ng karagdagang benepisyo para sa frontliners sakaling sila ay magkasakit o mamatay.

Upang matiyak ang probisyon ng mga benepisyo, may kapangyarihan ang Pangulo na mag-reprogram, mag-reallocate at mag-realign ng unreleased appropriations at unobligated allotment sa ilalim ng Executive Department sa 2021 at 2022 General Appropriations Acts.

Samantala, bubuo ng ad hoc grievance board para tumanggap, mag-imbestiga, humatol at magrekomenda ng mga aksyon kaugnay sa anumang reklamo na may kinalaman sa mga itinakdang benepisyo.

“Bilang Chair ng Senate Health Committee, palagi kong isinasaalang-alang ang kapakanan ng ating mga health workers. Kaya sa budget ngayong taon, ipinaglaban natin na mas lalong madagdagan ang pondo ng Department of Health upang matugunan ang kanilang pangangailangan, kasama na ang dagdag na health personnel at mga benepisyo nito,” pagtitiyak ni Go.

Gayunman, hinikayat ng mambabatas ang Executive Department ipagpatuloy ang pakikipagtulungan, partikular sa health officials at government finance managers, upang matiyak ang pagkukunan ng pondo para sa tamang implementasyon sakaling maging ganap itong batas.

“Hangga’t kaya ng gobyerno, ibigay dapat ang mga benepisyong nararapat para sa ating mga (healthcare workersl HCWs. Kaya mahalagang mapaghandaan at mapag-aralan ito nang mabuti upang maimplementa ng maayos,” sabi pa ni Go.