Tuloy pa rin ang bicameral conference committee deliberations ng Senado at Kamara para sa 2020 national budget sa kabila ng masamang lagay ng panahon dulot ng Bagyong Tisoy.
Kinumpirma ito ni Davao City Rep. Isidro Ungab, ang chairman ng House Committee on Appropriations.
Ayon kay Ungab, makikipagkita pa rin siya kay Senate finance committee chairman Sonny Angara ngayong araw para pag-usapan ang hindi pa napagkasunduang probisyon sa kanikanilang sariling bersyon ng 2020 General Appropriations Bill (GAB).
Biyernes ng nakaraang linggo na unang nagpulong ang bicameral conference committee sa proposed 2020 national budget, dalawang araw matapos na aprubahan ng Senado ang kanilang bersyon ng GAB.
Sa naturang pagpupulong, nagkasunod ang komite na ang mga hindi napagkasunduang probisyon sa mga bersyon ng Senado at Kamara ng 2020 budget ay aayusin nina Angara at Ungab.










