
Pinaigting na ng Bureau of Immigration (BIR) ang kanilang pagbabantay sa mga dumarating na dayuhan sa ating bansa, sa harap ng mga naitatalang kaso na may kaugnayan umano sa sex tourism.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang posibilidad ng muling pagkabuhay ng sex tourism ay maaaring isinasabay sa trend ng pagdami uli ng mga lehitimong turista.
Nabatid na nagkaroon ng sunod-sunod na pagkakahuli ng mga sex offenders na nagtatangkang pumasok sa Pilipinas.
Magugunitang kamakailan lang ay nakahuli ng border control and enforcement unit ang isang foreign national na nagtangkang pumasok sa bansa habang may mga kinakaharap na sex crimes.
Kinilala ang naturang foreign national na si Terry Lynn Spies na agad pinabalik sa Estados Unidos matapos makumpirma ang kaugnayan nito sa mga kaso.
Lumalabas na isa lamang si Spies sa 140 na sex offenders na nagtangkang pumasok sa bansa at naharang ng Immigration Bureau.
Nagbabala si Tansingco sa mga sex offender na nais pumasok sa bansa na huwag nang magtangka pa dahil mayroong close coordination ang Pilipinas sa iba’t ibang gobyerno sa mundo, kung saan ang mga ito ang nagbibigay ng impormasyon kung may nagpaplanong katulad nila na magtutungo sa Pilipinas.
Maging ang mga kasabwat ng mga ito sa Pilipinas ay posible ring maharap sa mabibigat na criminal charges.










