Nagbabala ngayon ang Bureau of Immigration (BI) sa mga empleyado nilang regular na pumapasok sa kanilang main office sa Intramuros, Manila na hindi sumusunod sa safety protocols sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na sususpendehin ang mga ito sa loob ng dalawang linggo.
Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na nakatanggap kasi sila ng report na ilang liaison officers ng BI accredited travel agencies at law offices ay hindi sumusunod sa protocols.
Aniya, hindi raw pumapasok ang mga ito sa disinfection chamber sa main building entrance at nakakapasok ang mga ito sa premises kahit walang aprubadong online appointments.
Maliban dito, mayroon din umanong mga BI employees ang job order personnel ang hindi nagsusuot ng face masks, face shield at hindi sumusunod sa social distanciing habang ang iba ay nakikitang pumapasok sa ibang opisina na paglabag sa direktibang bawal ang office hopping.
Sinabi ng BI Chief na aprubado na raw ng BI Administrative Division ang pagpataw ng parusa sa mga empleyadong lalabag sa health protocols.
Ang hakbang ng BI ay para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa main building ng BI.