-- Advertisements --

Umalma ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa ginawa ng isang pulis na pangmamaliit sa kanilang ahensya.

Ito ay matapos kumalat sa social media platform na Tiktok ang video ng isang pulis na may user name na Rexter Dan at sinabihang “Relax” ang mga tauhan ng BFP.

Dahil dito, nagpadala ng “letter complaint” si Fire Director Louie Puracan kay OIC CPNP Lt. Gen Vicente Danao, Jr. masakit umano para sa kanila na pagsabihang “relax” sa kabila ng sakripisyo tuwing may sunog na nirerespondehan ng kanilang mga tauhan.

Hindi matanggap ng BFP ang nasabing pahayag, lalo pa at galing pa ito sa isang tauhan ng pulisya.

Natunton nila ang nasabing pulis na nakilalang si CPL. Rexter Dan Tubu Manaloto ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Angeles City, Pampanga na tauhan ni Col. Diosdado Fabian.

Hiling ni Fire Director Puracan kay Gen Danao ay disiplinahin si CPL Manaloto dahil ang kaniyang ginawa ay isang uri ng “Misconduct at Conduct Unbecoming of a Public Officer.”

Sa ngayon, iniimbestigahan na ng PNP ang umano’y pangmamaliit ng isang pulis sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, na-relieve na sa pwesto ang nasabing pulis.