Maglulunsad ang Bureau of Fishieries and Aquatic resources ng proyekto para sa mga mangingisda ng West Philippine Sea at tatawagin itong “Layag WPS” o Livelihood Activities to Enhance Fisheries Yield and Economic Gains.
Ayon kay BFAR Chief Information Officer Nazario Briguera, sakop ng naturang proyekto ang mga benepisyaryo mula sa Ilocos Region, Central Luzon, at Mimaropa, partikular na ang mga lugar na malapit sa West Philippine Sea.
Dagdag pa ni Briguera, nasa P80 milyon ang inilaan ng gobyerno para sa nasabing proyekto. Inanunsyo ito kasabay ng pagbibigay ng ahensya ng humigit-kumulang P5 milyon halaga ng livelihood support sa Pag-asa Island.
Una na rito, ayon kay Briguera, ang west philippine sea ay nag-aambag ng humigit-kumulang anim na porsiyento sa kabuuang produksyon ng pangisdaan sa bansa noong 2022.
Iginiit ni Briguera na base sa datos ng Philippine Statistics Authority, ang volume ng municipal fisheries production ay 34,480 metric tons noong Enero hanggang Marso 2023, na mas mababa ng 11.7 porsiyento kumpara sa ulat sa parehong panahon noong nakaraang taon na may tinatayang 39,050 metric tons.
Kaya naman ang proyekto at pamamahagi na tulong ay bahagi raw ng layunin ng pamahalaan na mabigyan ng tulong ang mga mangingisda sa malalayong komunidad na kinabibilangan ng Pag-asa island.