Pinaiimbestigahan na ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar sa Cebu Provincial Police Office (CPPO) ang nangyaring beach party sa Camotes Island noong isang buwan na dinaluhan pa umano ng ilang politiko.
Ayon kay Eleazar, susunod sila sa direktiba ni DILG Secretary Eduardo Año na imbestigahan ang naturang pagtitipon kung may nalabag na minimum public health safety standards at quarantine protocols para maging super spreader events ang insidente.
Sa ngayon, nangangalap na ng ebidensya ang mga local police sa lugar at nakikipag-ugnayan na rin sa LGU tungkol sa insidente.
Nabatid na nakatanggap ang kagawaran ng impormasyon hinggil sa pagtitipon na naganap noong July 10 mula sa isang hindi nagpakilalang complainant.
Base sa uploaded video ng naturang beach party, ipinapakita na tila binabalewala lamang ng mga dumalo ang minimum public health safety standards at quarantine protocols.
Paalala ni Eleazar sa publiko, may umiiral pa ring COVID-19 pandemic kaya dapat mahigpit pa ring sundin ang mga minimum health standards at ipinagbabawal ang mass gatherings o iba pang potensyal na okasyon para potensyal na super spreader events.
Samantala, hinikayat ng PNP chief ang publiko na ipagpatuloy lang ang pag-uulat sa mga otoridad hinggil sa mga paglabag sa minimum public health safety standards at quarantine protocols.