Pormal nang idineklara bilang “ASG-free” o Abu Sayyaf free ang lalawigan ng Basilan, na dati’y kilalang pinagmumulan ng mga aktibidad ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Ang naturang deklarasyon ay isinagawa matapos ang seremonya na dinaluhan ni OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr., Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr., at Basilan Governor Jim Hataman.
Ayon kay Galvez, ang deklarasyon ng Basilan bilang malaya mula sa ASG ay isang mahalagang hakbang para sa kapayapaan ng lalawigan.
Inilahad din Galvez ang naging papel ng mga operasyong ginawa ng militar at mga peace initiatives sa pagpapahina ng ASG sa Basilan, na dating kilala sa mga karahasan at mga pagdukot.
Binigyang diin nito na ang tagumpay ay hindi lamang bunga ng militar, kundi pati na rin ng mga programa para sa socio-economic development na nagbigay pagkakataon sa mga komunidad na makabangon mula sa epekto ng extremism.
Una rito na ang deklarasyon ay batay sa Resolution No. 01, Series of 2025, na ipinasan ng Provincial Peace and Order Council at Provincial Anti-Drug Abuse Council noong Pebrero.
Maalalang kinilala ng Basilan-based 101st Infantry Brigade ang matagumpay na pagsuko at reintegrasyon ng mga dating miyembro ng ASG bilang bahagi ng kanilang tagumpay.