Todo galak ang naramdaman ng mga kumuha ng bar examination matapos mapag-alamang sila ay nakapasa.
Sa kabuuang bilang na 9,183 law graduates na nagtake ng exam, mayroon lamang 3,992 ang nakapasa ngayong taon.
Ito ay katumbas lamang ng 43.47%.
Ayon kay, Marie Dolloso na isang bar passer, sa kabuuang halos sampung libong kumuha ng pagsusulit, talaga namang hindi maipinta ang kanyang tuwa dahil sa wakas aniya, ay nakapasa sa kanyang “dream career” bilang abogado.
Aniya, sulit na sulit daw ang kanyang pagpupuyat at kanyang mga paghihirap na ginawa lalo na sa pagrereview o paghahanda sa nasabing bar exams.
Kung matatandaan, ginanap noong November 9, 13, 16 at 20, 2022 sa 14 na local testing center sa buong bansa ang nasabing bar exam.
Iaanunsyo rin ng Korte Suprema ang mga law school na nakakuha ng pinakamataas na porsyento ng mga pumasa sa Bar exam partikular na ang limang mangungunang mga universities sa buong Pilipinas.
Kaugnay nga niyan, binigyang diin naman ni Mary Gail Abenio na isa na ring ganap nang abogado, isa daw sa dahilan ng kanyang pagkakapasa sa naturang exam ay ang walang humpay na pagdarasal at paghingi ng gabay sa ating Panginoon.
Sa kabilang banda, hindi inalintana ng mga nag-abang ng resulta ang pabago bagong panahon, lalo na ang tindi ng init ng sikat ng araw pati na ang pabugso bugsong ambon.
Saktong paglabas ng Korte Suprema ng listahan ng mga nakapasa, ay siya rin namang biglang buhos ang malakas na ulan na itinuturing ng mga Bar passers na “shower of blessings”
Hindi daw kasi talaga naging madali ang lahat ng kanilang pinagdaanan upang matamasa ang apat na letra na dagdag sa kanilang pangalan, dahil anila, matatawag na sila ngayon bilang Attorney.