-- Advertisements --

Inamin ni Bureau of Corrections (BuCor) director general Gerald Bantag na may ilang persons deprived of liberty (PDL) na ang namatay dahil sa pandemic na coronavirus disease (COVID-19).

“However, as much as we want to inform the public with respect to the names of PDL who died due to COVID-19, the data privacy act prohibits us from doing so,” ani Bantag sa isang statement.

Sa kabila nito, tiniyak ng BuCor chief na ginagawa ng tanggapan ang lahat ng kanilang makakaya para matugunan ang sitwasyon ng jail facilities sa gitna ng pandemic.

Ibinida ni Bantag ang mataas na recovery rate ng COVID-19 cases sa BuCor facilities, na resulta umano ng ginawa nilang interventions.

Naging maagap din daw sila sa identification, isolation at treatment programs kaya nabawasan ang banta ng pagkalat ng sakit sa kanilang mga pasilidad.

“We have also entered into partnership with other government agencies, international organizations and non-government organizations to strengthen our drive in addressing this pandemic which claimed thousands of lives around the world.”

Nagpasalamat si Bantag sa mga patuloy na nagpapaabot ng tulong sa BuCor dahil pinapalakas din daw nito ang morale ng buong tanggapan.

Nitong araw kinumpirma ni BuCor spokesperson Gabriel Chaclag na 18 na ang bilang ng inmates sa New Bilibid Prison na namatay dahil sa COVID-19.

Pero hindi nito kinumpirma ang lumabas na ulat hinggil sa pagkamatay ng convicted high-profile drug lord na si Jaybee Sebastian sa acute myocardial infarction secondary to COVID-19.

Sa hiwalay namang statement, sinabi ng Department of Health na isa lang ang naitala nilang death case sa mga PDL ng Bilibid, at 13 mula sa ibang jail facilities.

Bukas, inaasahang tutungo sa Department of Justice si Bantag matapos ipatawag ni Sec. Menardo Guevarra para magpaliwanag sa sinasabing pagkamatay ng high-profile drug lords sa COVID-19.