-- Advertisements --

Inanunsiyo ng gobyerno ng Chad sa north-central Africa ang plano nitong kumalas mula sa International Criminal Court (ICC).

Sinundan nito ang nauna nang joint announcement ng Burkina Faso, Mali, at Niger noong Setyembre na kakalas na sila sa ICC, na lumilitis sa mga indibidwal na nakagawa ng war crimes at crimes against humanity.

Sa isang statement, ipinaliwanag ng tagapagsalita ng Chad government na ang kanilang desisyon ay kasunod ng malalimang pag-aaral sa pagpapatakbo ng ICC mula nang simulan ang operasyon nito noong 2002, gayundin sa mga rekord nito kung saan nananatili umanong limitado ang effectiveness nito at hindi patas.

Kinondena ng bansa ang mga imbestigasyon ng ICC na nakatutok sa mga bansa sa Africa. Giit ng Chad, siyam sa 13 na imbestigasyon ng ICC ay nakatutok sa African countries. Dagdag pa nito na tanging pitong katao ang nasa kustodiya ng korte kung saan anim dito ay nililitis may kaugnayan sa mga sitwasyon sa Africa.

Ayon sa mga ulat, ang desisyon ng Chad na kumalas sa ICC ay kasunod ng request mula sa U.S. na pag-aralan muli ang kanilang membership sa korte.

Ginawa rin ng bansa ang desisyon sa gitna ng mga alegasyon mula sa national at international organisations laban sa Chad kaugnay ng posibleng pagkakasangkot nito sa kaguluhan sa karatig na Sudan.

Samantala, nakasaad sa Article 127 ng Rome Statute na ang opisyal na bisa ng pag-atras ng isang bansa ay magkakabisa pa lamang pagkalipas ng isang taon mula nang matanggap ng United Nations ang pormal na abiso.