Mariing pinabulaanan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na “under threat” ang mga bangko sa bansa.
Paglilinaw ito ni BSP Governor Benjamin Diokno matapos na inihalimbawa ng World Bank sa kanilang report ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa kung saan nagiging problema na ang bilang ng mga hindi pa nababayarang utang.
Dagdag pa ng World Bank, inaasahan nilang dodoble o papalo sa 8.2 percent ngayong 2022 ang nonperforming loan ratio.
Pero ayon kay Diokno, marahil ang tinutukoy ng World Bank sa report nito ay ang lahat ng mga emerging economies at hindi kasama dito ang Pilipinas.
Para kay Diokno, naihanda naman na ng pamahalaan ang mga bangko at micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ngayong nahaharap ang Pilipinas sa epekto ng pandemya.
Sa katunayan, stable nga ang Philippine banking system sa kabila ng global health crisis.
Ang non-performing loan ration ay bumaba pa lalo at umabot na lang sa 4.3 percent noong Nobyembre 2021 mula sa 4.4 percent sa nakalipas na buwan.
Bukod dito, nananatili rin aniyang manageable ang debt to GDP ratio ng Pilipinas.