Lalo pang lumalakas ang ebidensya sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte matapos isumite sa Senate impeachment court ang kanyang bank at tax records. Inaasahan ding susunod ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ito ang binigyang-diin ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.
Ayon kay Ridon, layunin ng mga dokumento na patunayan ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Aniya, susunod na tututukan ng prosecution ang paraan ng paggastos sa naturang pondo.
Binanggit din niya ang testimonya ng dalawang dating LandBank branch managers na nagsabing hindi pangkaraniwan ang pag-encash ng P612.5 milyong confidential funds.
Samantala, inaasahang magpapaliwanag ang mga testigo mula sa Commission on Audit (COA), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine Statistics Authority (PSA) kaugnay ng mga disallowance at kuwestiyonableng liquidation ng confidential funds.










