-- Advertisements --

ROXAS CITY – Naninigas na ng matagpuan ang bangkay ng isang lalaking hinihinalang sinalvage sa isang taniman malapit sa national highway sa Brgy. Concencia Panitan Capiz.

Kinilala ang biktima na si Ragne Fernandez Sison, 51 yrs. old (limamput isang taong gulang) at residente ng Brgy. Poblacion Ilawod, Lambunao, Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay PMaj. Amie Bulaqueña hepe ng Panitan MPS, nadiskubre umano ang bangkay ng biktima ng isang residente sa nasabing lugar.

Agad naman silang nagtungo sa lugar at nagsagawa ng imbestigasyon matapos matanggap ang impormasyon at nalaman ang pagkakakilanlan ng biktima dahil sa mga narekober na id’s nito.

Napag-alaman din na nagtamo ng labing dalawang tama ng saksak sa likod ang biktima sa isinagawang post mortem examination ng Scene of the Crime Operations na syang dahilan ng pagkamatay nito.

Dumating naman sa nasabing bayan ang kapatid ng nasabing biktima kung saan inilahad nito sa mga kapulisan na huling nakausap nito ang biktima noong nakaraang Pebrero 23, at nagpahayag ito na may pinagdadaanang problema.

Pebrero 25 naman ng nakatanggap di umano sila ng impormasyon na sapilitang kinuha at isinakay ang biktima sa isang sasakyan ng hindi baba-ba sa 4 na lalaki habang ito ay nagpapaload sa isang tindahan sa bayan ng Pavia, Iloilo kung saan pansamantala itong naninirahan.

Sa ngayon, ay may mga anggulo ng sinusundan ang mga kapulisan sa nasabing krimen at malakas ang paniniwala nila na pinatay sa ibang lugar ang biktima at itinapon lamang sa nasabing lugar.