-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyong isinasagawa ng mga otoridad sa Sta. Maria, Ilocos Sur, kung sino ang nasa likod ng pagkamatay ng isang babae na pinaniniwalaang ginahasa at ninakawan pa.

Nakilala ang biktima na si Jonalyn Ecraela Fabro, 40-anyos na residente ng Barangay Bigbiga, Santiago, Ilocos Sur.

Natagpuan ang bangkay nito sa likuran ng kapilya ng Jehovah’s Witnesses sa Sitio Romas, Barangay Suso, Sta. Maria.

Nakapanlulumo ang itsura ng bangkay ni Fabro nang makita sa nasabing lugar dahil bugbog-sarado ang mukha nito at pinaniniwalaang pinukpok pa ng bato dahil halos hindi na makilala pa ang kaniyang mukha.

Nakababa rin ang short pants at underwear ng biktima na siyang rason kung bakit nakita ang maselang parte ng kaniyang katawan.

Sa inisyal na impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula sa ina ni Fabro na si Marilou Ecraela, nawawala umano ang mga alahas na suot ng biktima kaya malakas ang paniniwala nilang ninakawan muna ang biktima bago ito pinatay.