-- Advertisements --
John Rex Laudiangco

Naging matagumpay ngayon ang isinagawang plebesito ng Commission on Elections sa Baliwag, Bulacan, hinggil sa pagpapalit nito mula municipality, patungo sa pagiging isang ganap na component city na ngayon.

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, ito ay matapos na lumahok sa naturang plebesito ang nasa 23,562 o 21.70% ng 108,572 na kabuuang bilang ng mga botante sa lugar.

Aniya, ang naturang eleksyon ay nagresulta sa 17,814 katao o 75.60% na boto sa “yes”, habang nasa 5,702 katao naman o 24.19% ang bumoto sa “no”.

Dahil dito ay magsisilbi bilang ika-147 na lungsod sa Pilipinas ang Baliwag, lasaba ng pagsali nito sa hanay ng 109 component cities ng bansa na mayroong 33 highly-urbanized cities at limang independent component cities.

Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat ang komisyon ukol dito kasabay ng pagpapahayag ng pag-asa na ang sigasig na ito para sa demokrasya at electoral exercises ay maisasakatuparan sa buong bansa, sa lahat ng darating na plebisito, partikular na sa ma halalan at iba pang kakaharaping national at local electoral exercises ng bansa.