KALIBO, Aklan — Isang special session ang isinagawa ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan upang tutulan ang pagtanggap ng international flights sa Godofredo P. Ramos Airport sa Caticlan, Malay.
Ito ay kasunod sa desisyon ng San Miguel Corporation na siyang namamahala sa naturang paliparan na magkaroon ng international flights mula sa Taiwan na nagsimula kahapon, Disyembre 13.
Ayon kay Aklan second district board member Jay Tejada na nagulat na lamang sila matapos abisuhan ng Bureau of Immigration na maghanda para sa inaugural flight sa Caticlan ng Royal Air mula Taipei.
Dahil dito, agad na ipinag-utos ni Aklan Governor Joen Miraflores sa SP na magpalabas ng resolusyon kaugnay sa pagtutol sa balak ng naturang kompaniya.
May kontrata umano ang paliparan na hindi puwedeng tumanggap ng international flights dahil nakadesinyo ito para lamang sa domestic flights.
Giit pa ni Tejada na sa domestic passengers pa lamang ay siksikan na ang mga ito sa paliparan, kung saan marami pang dapat gawin upang maging isang international airport.
Maliban dito, mawawalan umano ng kita ang Kalibo International airport.
Bibigyan ng kopya ng inaprubahang resolusyon ang Office of the President, Civil Avaition Board at Civil Avaition Authority of the Phillippines (CAAP).










