Nagbabala si dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa posibilidad na lumala ang korapsyon dahil sa ilang pagbabagong pinalutang ng kasalukuyang opisyal ng anti-graft body.
Magugunitang sinabi ni Ombudsman Samuel Martires sa budget hearing sa Kamara na maaaring i-abolish na lang ang kanilang tanggapan dahil wala namang mga complainant na nagpupursige ng reklamo sa isyu ng korapsyon.
Hirit pa ni Martires, dapat ang bawat ahensya ay magkaroon na lang ng kanya-kanyang programa para mabantayan ang korapsyon sa kanilang mga nasasakupan.
Pero para sa dating opisyal, baka mag-piyesta ang mga tiwali kapag nawala na ang Ombudsman, na dapat sana ay humahabol sa mga ito para mapanagot.
Matatandaang naresolba sa maikling panahon ng panunungkulan ni Carpio-Morales ang libu-libong backlog cases na kaniyang inabutan dito.
Habang ang naging conviction rate ay pumalo sa 77 percent, at higit itong mataas mula sa 41 percent lamang noong 2011.










