Sinimulan nang magtayo ng mga bahay ang Office of the Vice President katuwang ang mga partners nito, para sa mga residente ng Albay na nasalanta ng paghagupit ng bagyong Rolly noong nakaraang buwan.
Sinabi ni Vice President Leni Robredo na ang mga bahay na itatayo sa Guinobatan ay proyekto sa ilalim ng “BAHAYnihan” housing project na inilunsad noong Disyembre 1.
Kahit daw pagod ang buong grupo ng bise-presidente ay masaya pa rin daw ang mga ito dahil nakatulong na ilipat ang mga residente sa mas ligtas na lugar.
Ayon pa rito na tutulong din ang mga residente sa pagtatayo ng kanilang mga bahay upang mapanatili pa rin ang “bayanihan” spirit.
Sa BAHAYnihan aniya ay hangad nilang mabigyan ang mga pamilyang nakatira sa danger zones ng pagkakataon na makabangon muli sa mas ligtas na lugar.
Nakipag-partner ang Office of the Vice President (OVP) sa lokal na gobyerno ng Guinobatan para isagawa ang naturang proyekto.
Pinondohan ito sa pamamagitan ng mga donasyon na ipinadala sa OVP.
Halos 180 kabahayan sa Guinobatan ang tinangay ng malakas na buhos ng ulan at ihip ng hangin na dala ni Bagyong Rolly.