-- Advertisements --

Lumakas na bilang Tropical Storm ang Bagyong Maymay (international name: Kujira) habang mabagal na kumikilos pa-timog-silangan sa karagatang kanluran ng La Union, ayon sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA.

Bandang 3:00 a.m. nitong Miyerkules, huling namataan ang sentro ng bagyo sa 170 kilometro kanluran ng Bacnotan, La Union. Taglay nito ang maximum sustained winds na 65 km/h at pagbugsong umaabot sa 80 km/h.

Dahil dito nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, the northern portion of Zambales, the northern portion of Tarlac, the northern portion of Nueva Ecija, at the northern portion of Aurora.

Makakaranas naman ng pag-ulan na may pabugsu-bugsong hangin ang Cagayan Valley, nalalabing bahagi ng Ilocos Region at Cordillera Administrative Region, gayundin ang Zambales, Tarlac, at Nueva Ecija.

Samantala, ang nalalabing bahagi ng Central Luzon ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dulot pa rin ng Bagyong Maymay.

Pinalalakas din ng Southwest Monsoon o Habagat ang pag-ulan sa Metro Manila, CALABARZON, Occidental at Oriental Mindoro, Marinduque, Antique, Iloilo, at Guimaras, na may mga banta rin ng pagbaha at landslide.

Sa natitirang bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.

Samantala, patuloy ring mino-monitor ng PAGASA ang Typhoon Dolphin, na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Bandang 3:00 a.m., namataan ito 1,845 kilometro silangan-hilagang silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang maximum sustained winds na 165 km/h, pagbugsong hanggang 205 km/h, at kumikilos pa-kanluran sa bilis na 20 km/h.