-- Advertisements --

Lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Severe Tropical Storm Gardo ngayong umaga.

Ayon sa ulat ng state weather bureau, ang sentro ng bagyo ay namataan sa layong 1,310 kilometro silangan-hilagang silangan ng Extreme Northern Luzon.

Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 95 kilometro kada oras malapit sa sentro, at bugso ng hangin na umaabot sa 115 kilometro kada oras.

Kumikilos ito pahilaga sa bilis na 50 kilometro kada oras.

Ang sirkulasyon ng malalakas na hangin ay umaabot hanggang 260 kilometro mula sa sentro ng bagyo.

Bagama’t wala na sa PAR, pinaalalahanan pa rin ang publiko na manatiling alerto sa posibleng epekto ng habagat na pinalakas ng bagyo, lalo na sa kanlurang bahagi ng Luzon.