Kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang binubuo ang isang draft contract na iaalok sa mga water concessionaires na Maynilad at Manila Water.
Magugunitang inihayag ni Pangulong Duterte na maraming probisyon sa concessionaire agreement na pinasok ng gobyerno sa Manila Water at Maynilad ang labag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at sa mismong Konstitusyon kaya nagbantang kakasuhan nito ng large-scale estafa ang mga may-ari ng dalawang water concessionaires.
Sinabi ni Pangulong Duterte, makakaasa ang taongbayan na hindi na lugi ang gobyerno at mga consumers sa bagong concessionaire agreement dahil tinanggal na ang mga kwestiyonableng probisyon.
Ayon kay Pangulong Duterte, kung hindi ito tatanggapin ng Manila Water at Maynilad, iuutos nito ang military take-over sa operasyon ng dalawang water utilities.
Pero kahit tanggapin daw ng mga water concessionaires ang bagong kontrata, hindi pa rin ligtas sa criminal liability ang kanilang mga pinuno at hindi niya pipigilan ang sino mang gustong maghain ng kaso.