Ibinahagi ni House Committee on Ways and Means at Albay Representative Joey Salceda na isang bagong bersiyon ng Maharlika Investment Fund ang iprinisinta ni Pangulong Bongbong Marcos para sa mga potential investors.
Ginawa ito ng Pangulo sa ginanap na 2023 World Economic Forum sa Davos, Switzerland.
Sinabi ni Salceda na siya at tatlong iba pang mambabatas ay naatasan na muling isulat o revisahin ang Maharlika Investment Fund proposal.
Ayon sa economist solon, isa sa pagbabago mula sa House Bill 6608 na ipinasa ng Kamara ay hindi na gagamiting kapital ang dibidendo mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas at “real surpluses” na aniya ang gagamitin tulad ng sa isang tradisyunal na sovereign wealth fund.
Ikinatuwa naman ni Salceda na sa kabila ng maraming pagtutol mula sa mga kritiko sa ginawang “soft launch” ng MIF sa World Economic Forum ay positibo ang naging pagtanggap ng mga possible investors.
“We want this to succeed, and this was actually the one sold by the President in Davos. Kaya tuwang-tuwa ako eh tira nang tira yung mga tao eh but they are addressing an entirely different animal altogether,” pahayag ni Cong. Salceda.
















