-- Advertisements --
baclaran

Naghain ng panukalang batas si Senador Jinggoy Estrada para hirangin ang National Shrine of Our Mother of Perpetual Help at ang lugar sa paligid nito bilang isang heritage site at tourist destination.

Ito ay matapos na ideklara ng National Museum ang Baclaran Church bilang isang important cultural property.

Sa paghirang dito bilang isang heritage site at tourist destination, aatasan ang Department of Tourism (DOT) na makipagtulungan sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Department of Public Works and Highways (DPWH), lokal na pamahalaan ng Parañaque, at iba pang kinauukulang ahensya na maglatag ng plano para mapaunlad ang turismo sa lugar.

Inihayag ng Senador, Sa kanyang Senate Bill No. 2278, na bahagi na ng ispiritwal na buhay ng mga Pilipino ang simbahan ng Baclaran at parte na rin ito ng makasaysayang tradisyon ng mga Katoliko sa bansa, lalo na ang mga naninirahan sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.

Binigyan-diin rin ng senador ang kahalagahan ng pagdedeklara sa Baclaran Church compound sa Roxas Boulevard sa Parañaque City bilang isang heritage site at tourist destination.

Ayon pa kay Estrada, ang deklarasyong ito ay layong itatag ang isang patakaran na magpapanatili ng kahalagahan nito sa kasaysayan at panlipunang kultura, pati na rin ang pagtiyak ng accessibility, convenience at kaligtasan ng mga bumibisita dito sa pamamagitan ng pagtatayo at pagpapanatili ng angkop na pasilidad at imprastruktura sa lugar.

Ang pondo para sa implementasyon ng tourism development plan aniya ay isasama sa badyet ng lokal na pamahalaan ng Parañaque.

Bukod dito, ang DOT ay magbibigay ng teknikal na tulong sa tourism capacity building at isasama ang Baclaran Church sa mga programa nito sa pambansa at rehiyonal na promosyon.