-- Advertisements --
Australian PM Anthony Albanese nakatakdang bumisita sa Pilipinas sa darating na Setyembre 2023

Nakatakdang bumisita sa Pilipinas sa susunod na buwan si Australian Prime Minister Anthony Albanese.

Si Albanese ang kauna-unahang pinuno ng Australia na bibisita sa ating bansa sa loob ng 20 years.

Sa isang pahayag ay inanunsyo ng kaniyang opisina na sa darating na Setyembre 8 ay makikipagpulong siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Dito ay inaasahang tatalakayin ng dalawa ang pagpapatibay pa sa kooperasyon ng Pilipinas at Australia pagdating sa usaping pandepensa, at maging sa maritime security and development.

Samantala, pagkatapos nito ay nakatakda namang magtungo si Australian PM Albanese sa Jakarta upang dumalo sa Association of Southeast Nation-Australia Summit, at gayundin sa New Delhi para naman dumalo sa G20 Leaders Summit.

Kung maaalala, una nang napag-usapan ng Pilipinas at Australia ang pagsasagawa ng joint patrols sa West Philippine Sea noong bumisita sa ating bansa si Australian Defense Minister Richard Marles noong Pebrero 2023.