Ipinasususpinde ng Sandiganbayan si Aurora Gov. Gerardo Noveras dahil sa hinaharap nitong kaso na may kinalaman sa maanomalyang kontrata ng construction project noong 2004.
Batay sa resolusyon ng 6th Division na may petsang November 28, nakasaad ang utos ng korte na 90-day preventive suspension ni Noveras at kapwa akusadong si provincial legal officer Paz Torregosa habang iniimbestigahan ang reklamo sa kanila.
“The suspension shall automatically be lifted upon the expiration of the 90-day period from the implementation of this resolution,” batay sa resolusyong nilagdaan ni Associate Justice Keven Narce Vivero.
Nag-ugat ang kasong graft ng dalawa matapos umanong paboran ang bidding ng isang RMCR Construction para sa infrastructure project noon ng Dimalang bridge.
Una ng umapela ang gobernador at sinabing hindi balido ang akusasyon sa kanya dahil wala namang malinaw na ebidensyang nailatag ang prosekusyon.
Ibinasura na rin daw ng Court of Appeals ang parallel administrative complaint sa kanya.
Pero giit ng Sandiganbayan, mandatory sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang suspensyon ng 90-araw sa mga personalidad na idinadawit sa mga kasong katiwalian.