-- Advertisements --

Iginiit ni Atty. Regie Tongol, dating tagapagsalita ng 2025 Senate Impeachment Court, na pinagtibay umano ng Korte Suprema ang posisyon noon ng Senado sa pamumuno ni Senator Francis “Chiz” Escudero na dapat isagawa ang impeachment proceedings sa loob ng makatwirang panahon at hindi minamadali.

Sa kanyang pahayag, tinukoy ni Tongol ang desisyon ng Supreme Court of the Philippines En Banc sa kasong Catalino Aldea Generillo Jr. v. Senate of the Philippines, kung saan nilinaw ang kahulugan ng salitang “forthwith” sa Konstitusyon.

Ayon sa kanya, sa botong 14-0-1, kinilala ng mataas na hukuman na ang “forthwith” ay hindi nangangahulugang agad-agaran o minamadali, kundi dapat isagawa sa loob ng isang reasonable time o makatwirang panahon.

Giit ni Tongol, pinatutunayan umano ng desisyong ito na tama ang naging hakbang ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Escudero na pairalin ang maingat at balanseng proseso sa halip na magpadala sa pressure ng publiko.

“We refused to sacrifice due process,” ani Tongol, sabay diin na hindi dapat isakripisyo ang tamang proseso kapalit ng mabilisang aksyon.

Tinuligsa rin niya si Atty. Rene Sarmiento at former Associate Justice Antonio Carpio na aniya’y nagpahayag noon na dapat agad-agad sinimulan ang impeachment proceedings.

Gayunman, ayon kay Tongol, pinatunayan umano ng Korte Suprema na may sapat na diskresyon ang Senado bilang kapantay na sangay ng pamahalaan upang ihanda ang isang patas at maayos na paglilitis.

Binigyang-diin din niya na ang desisyon ay mahalaga hindi lamang sa kasalukuyang usapin kundi sa mga susunod pang impeachment cases, dahil nagbibigay ito ng malinaw na gabay kung paano babalansehin ang bilis at due process.

Aniya, pinoprotektahan ng ruling ang proseso laban sa pagmamadali at sinisiguro na mananatiling patas at makatarungan ang pagpapatupad ng pananagutan sa mga opisyal ng gobyerno.