-- Advertisements --

Kampante ang batikang abogado na si Atty. Lorna Kapunan na magreresulta sa conviction ang impeachment case laban kay VP Sara Duterte, kung sakaling tumuloy ito sa full trial.

Ayon sa abogado, solido ang mga ebidensiyang naipresenta sa House Justice Committee, at tiyak na mas marami pang ebidensiya ang maihaharap ng prosecution panel kung tutuloy na ang kaso sa paglilitis.

Naka-angkla aniya ang mga ito sa public records at authentic documents mula sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Anti-Money Laundering Council, atbpa.

Inihalimbawa ni Kapunan ang naging pagbabanta ni VP Sara sa buhay ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. kung saan nagawa ng NBI na makalikom ng maraming dokumento laban kay VP Sara, at hindi lamang ‘testimonial’ pawang public records na na-authenticate din ng ahensiya.

Ang naturang isyu pa lamang aniya ay sapat na para sa conviction, lalo na kung maipresenta ang lahat ng ebidensiya sa isang full trial.

Kasabay nito ay nagpahayag din ng kahandaan si Atty. Kapunan na maging bahagi ng prosecution team laban sa pangalawang pangulo.

Aniya, nag-boluntaryo siyang maging bahagi ng legal team na bubuo sa prosecution panel sa naunang impeachment case laban kay VP Sara, na aniya’y bahagi ng kaniyang voluntary service para sa mga Pilipino. (report by Bombo Jai)