-- Advertisements --

Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nananatili umano sa bansa si negosyanteng si Atong Ang, at halos maabutan na siya ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon nitong Huwebes.

Ayon kay SILG Jonvic Remulla, may natanggap silang “eyeball sighting” kay Ang, ngunit huli na umano ng isang araw ang kanilang operasyon kaya hindi ito naabutan. Tumanggi naman ang kalihim na ibunyag ang eksaktong lokasyon.

Matatandaang iniugnay si Ang sa mga kasong kidnapping kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero noong 2021–2022, bagay na kanyang itinanggi.

Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na humingi na sila ng tulong sa Interpol para sa red notice laban sa kanya, habang patuloy ang operasyon upang matunton ang kanyang kinaroroonan. (report by Bombo Jai)