-- Advertisements --

NAGA CITY – Aabot na sa mahigit 900 baboy ang nakatakdang isailalim sa culling operation mula sa dalawang barangay sa Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Junius Elad, City Veterinarian ng lungsod, sinabi nitong una na nilang naipasailalim sa nasabing operasyon ang 136 na baboy mula sa ground zero No. 1 sa Barangay Pacol.

Aniya, magtutuloy-tuloy pa ito hanggang sa maubos ang nasa 397 baboy mula sa naturang lugar.

Pagkatapos ng Pacol, magpapatuloy pa ang swine depopulation sa Barangay Cararayan kung saan mahigit 500 baboy pa ang nasa loob ng 1km raduis zone.

Samantala, kinumpirma ni Elad na may dalawang dagdag na barangay sa lungsod ang sinusubaybayan nila sa ngayon dahil pa rin sa banta ng African swine fever (ASF).

Kasama sa mga barangay na ito ang Del Rosario at Balatas kung saan hinihintay na lamang nila ang resulta ng pagsusuri sa mga specimen na ipinadala sa Department of Agriculture.

Kung maaalala, sa ngayon nasa ilalim ng state of calamity ang lungsod matapos makapasok na sa lugar ang kaso ng ASF.