-- Advertisements --

Ibinunyag ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na ang mga artista Senator ang mga pasimuno umano sa muling pagbuhay sa pagpapatalsik kay Senator Juan Miguel Zubiri bilang Senate President.

Ito ang ipinahayag ni Senator Bato sa gitna ng mga usap-usapan na ang kaniyang ikinasang imbestigasyon sa PDEA leaks ang umano’y nagmitsa sa pagbaba ni Zubiri bilang pangulong mataas na kapulungan ng kongreso.

Sa isang panayam sinabi ni Sen. Dela Rosa na bago pa man daw ang imbestigasyon sa umano’y PDEA leak ay mayroon na talagang ouster move laban kay Zubiri na kinabibilangan umano ni Senator Jinggoy Estrada, bagay na naagapan lamang daw nila noon.

Giit ni Bato, muli umanong nabuhay ang ouster move laban kay Zubiri matapos nitong hindi umano payagan si Sen. Ramon “Bong” Revilla na dumalo sa mga session “online” dahil sa kaniyang tinamong foot injury, bagay na ikinagalit naman ng iba pang mga artista senators tulad nina Sen. Robin Padilla, at Sen. Jinggoy Estrada.

Samantala, sa ngayon ay wala pa rin nagiging tugon ang mga nabanggit na senador hinggil sa mga naging pahayag na ito ni Sen. Dela Rosa.