Nakatakdang isagawa ng Sandiganbayan ang ‘arraignment’ at ‘pre-trial’ sa kasong kinakaharap ni Sen. Jinggoy Estrada ngayong araw, ika-2 ng Hunyo.
Batay sa impormasyon, mamayang 1:30 ng hapon sisimulan ng ikalawang dibisyon ng Sandiganbayan ang pagbasa ng sakdal at ang paunang pagdinig o pre-trial sa kaso.
Dito kahaharapin ni Sen. Jinggoy ang kasong paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Bukod sa senador, kapwa-akusado niya sa kaso ang dating kalihim ng Department of Public Works and Highways na si Manuel Bonoan.
Sa isasagawang arraignment at pre-trial, posibleng matalakay ang patungkol sa mga mosyon inihain ni Sen. Jinggoy Estrada sa korte.
Naghain kasi ito kahapon ng Motion to Reset Hearing at pati Urgent Omnibus Motion Ad Cautelam para hilingin i-pawalang bisa ang kaso o ‘to quash the information’.
Pangalawa’y ma-dismiss ang kaso o di’ kaya’y isuspinde muna ang pagdinig at ipag-utos ang muling pagbubukas ng imbestigasyon.
Si Sen. Estrada, maliban sa kasong graft ay nahaharap din sa kasong plunder na isinampa ng Office of the Ombudsman alinsunod sa imbestigasyon sa malawakang korapsyon sa mga proyektong flood control.















