Agad bubuuin ng House Justice Committee ang consolidated articles of impeachment laban kay VP Sara Duterte, ayon kay committee chair, Rep. Gerville Luistro.
Ito ay upang handa nang maipresenta sa Mayo-4, 2026.
Ayon kay Luistro, mahalagang ma-consolidate ang dalawang impeachment complaint dahil isang verified complaint lamang ang maaaring ipasa o i-transmit sa Senado, kung sakaling aaprobahan ito sa plenaryo ng Kamara.
Pagkatapos ng hearing kahapon, April 29, inatasan na rin ni Luistro ang mga committee staff na makipag-ugnayan sa lahat ng miyembro ng komite para matiyak na ang nilalaman ng consolidated complaints ay akma sa napag-usapan sa mga serye ng pagdinig.
Batay sa timeline ng komite, tuluyan na ring aaprobahan ang consolidated complaint sa May 4, kasama ang lahat ng attached resolutions.
Sa naturang araw din target na mai-transmit sa House plenary ang kopya ng pinag-isang reklamo.
Pinapatiyak ni Luistro na lahat ng miyembro ng Kamara ay mayroong kaniya-kaniyang kopya ng impeachment complaint bago pa ito pagdesisyunan ng plenaryo.
Paliwanag ni Luistro, isa ito sa mga pinapatiyak ng bagong desisyon ng Supreme Court sa Duterte vs House or Representatives, ang ruling na inilabas ng kataas-taasang hukuman sa naunang verified impeachment complaint na inihain noong 2025.
Ang naturang reklamo ay kasalukuyang naka-archive sa Senado.
















