MANILA – Dinepensahan ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang kanyang apela kay Vice President Leni Robredo na tulungan din ang Visayas at Mindanao sa pag-rolyo ng COVID-19 vaccines.
Nilinaw ng kongresista na walang bahid ng pulitika ang paghingi niya ng tulong kay Robredo, at nais lang niya na matulungan ang mga lugar sa Visayas at Mindanao na may matataas na kaso ng COVID-19.
“Because cases in Cagayan de Oro is still very high, Davao City is still very high, same with Zamboaga, Butuan City in Mindanao, Iloilo and Bacolod City in Visayas and Albay in Bicol,” ani Rodriguez sa isang panayam.
Kamakailan nang maglunsad ng Vaccine Express sa lungsod ng Maynila ang Office of the Vice President. Sa loob ng dalawang araw, tumulong ang OVP sa pagbabakuna sa mga tricycle at pedicab drivers, at delivery riders.
Ayon sa OVP, pagse-set up ng vaccination site at dagdag na pwersa ng healthcare workers lang ang kanilang hatid sa inisyatibo. Ang supply ng bakuna ay manggagaling pa rin sa local government unit.
Nag-usap na si Robredo at Rodriguez kaugnay ng apela ng kongresista.
Kabilang ang Cagayan de Oro City sa mga tinukoy ng independent group na OCTA Research na “areas of concern” ng COVID-19. Pati na ang ilang lalawigan sa Visayas at Mindanao. – CJY










