-- Advertisements --

Dinipensa ng isang mataas na lider ng House of Representatives ang bersyon ng anti-political dynasty bill na ipinasa ng kapulungan na makatotohanan at isang magandang unang hakbang na hindi nagawa ng mga nakaraang Kongreso.

Ayon kay Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega , ito ang bersyong katanggap-tanggap sa karamihan ng mga mambabatas.
Layon ng panukala na maipatupad na ang batas sa darating na halalan sa taong 2028 upang ipakita ang seryosong layunin ng Kamara.

Inamin ni Ortega na marami ang bumabatikos sa limitadong sakop ng panukala, ngunit binigyang-diin niya na malaking sakripisyo ito dahil halos 80 porsyento ng mga miyembro ng Kamara ay nagmula sa mga politikong pamilya kabilang ang kanyang sariling pamilya sa La Union.

Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang pagtakbo ng mga kamag-anak hanggang second degree of consanguinity or affinity (tulad ng anak o apo) sa parehong cluster o lugar ng nanunungkulang opisyal.

Mas apektado rin dito ang mga magkakapatid na kasalukuyang nakaupo sa Senado.

Ipinaliwanag ni Ortega na dadaan pa ang panukalang batas sa Senado at bicameral conference, kung saan maaari pa itong mapabuti at mabago.

Una ng inihayag ni House Majority Leader Sandro na lehitimo ang mga puna sa Anti-Political Dynasty bill ng Kamara, ngunit sinabi niyang ang kasalukuyang bersyon ay bunga ng kompromiso upang makakuha ng sapat na suporta mula sa mga mambabatas.

Ayon kay Marcos, batay sa konsultasyon sa mga lider ng partido, posibleng mawalan ng sapat na boto ang panukala kung mas magiging mahigpit ang mga probisyon nito.

Aminado rin siyang marami sa mga miyembro ng Kamara ay kabilang sa mga political dynasty.