-- Advertisements --

Muling binuhay ni Manila Rep. Bienvenido Abante ang kanyang panukalang “Anti-POGO Act.”

Ito’y sa gitna ng mga kontrobersiya na kinasasangkutan ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Muling inihain ni Abanye ang House Bill 5082 na nagsusulong na i-ban o ipagbawal at ideklarang ilegal ang mga POGO, na aniya’y “mockery” sa anti-money laundering, immigration at tax laws sa ating bansa.

Aniya, naging pugad din aniya ang POGOs ng mga krimen. Pero higit sa lahat, ang operasyon nito ay nakakaapekto sa pagkawala ng trabaho ng masisipag na mga Pilipino dahil sa dumaraming dayuhang mangaggawa.

Ipinunto din ni Abante na ang mga POGO ay bawal sa China, pero dito sa Pilipinas ay ginawa pang legal ang operasyon.

Kapag naging ganap na batas, ipagbabawal ang pagtatayo ng POGO hub sa ating bansa.

Bubuo naman ng isang IATF-POGOs na tututok sa implementasyon sakaling maging ganap na batas at mag-iimbestiga sa mga lalabag.

Dagdag pa sa panukala ipapatupad ang ban o pagbabawal sa foreign employment at magpapataw ng parusa sa mga dawit sa human trafficking.

Ang itinakdang parusa ay 4 hanggang 10 taong pagkakakulong, at multang P100,000 hanggang P10 million, depende sa gagawing “offense” o paglabag.